Wednesday, December 28, 2011

Eh ano kung hindi Ingles!?

  May isa akong kaibigang nakadiskubre ng blogsite na ito na nagkataong pag-aari ng (ehem!) yours truly. Sa una natutuwa akong naa-appreciate nya ang sinusulat ko dito at nakaka-relate din sya sa mga topics ko. Pero hindi ko nagustuhan ang mga sumunod niyang nasabi. Na hindi daw maganda na nakasulat ang blog ko sa salitang filipino o tagalog. Hindi daw ito maiintindihan ng ibang mambabasa ang mga sinusulat ko lalo na kung ang makahanap ng blog ko ay mula sa ibang bansa na hindi nakaka-unawa ng salitang tagalog o filipino.

  Hindi ko alam kung bakit pero sadyang uminit ang ulo ko at nasabi ko sa kanya na "Eh ano kung hindi ingles!?"

  Nauunawaan ko kung bakit nya nasabi iyon. Tama sya, maganda kung nakasulat sa salitang ingles ang mga sinusulat ko dahil mas mauunawaan iyon ng nga mambabasa kahit na sila pa ay mga Pilipino. Kapag nakasaad sa ingles, mas marami ang magiging followers ko at magiging kilala ang blogsite ko.

  Pero nasubukan ba nyang unawain ang gusto kong iparating sa mga makababasa ng blog ko bukod sa mga topics na isinusulat ko? 

  Oo nga't gumagamit din ako ng mga ingles na salita sa blog ko sa mga pagkakataong hindi ko alam kung paano ito isasalin sa salitang tagalog. Pero karamihan ng mga saltiang ginagamit ko ay tagalog o filipino. Ang gustong kong iparating ay ang paggamit ng salitang filipino kahit na saan mo pa ito balak isulat (kagaya ng blog ko). Hindi dahil sa hindi ko kayang isulat ng buo sa ingles ang mga nasasa-isip ko, kundi, gusto kong mabasa ng iba ang nasasa-isip sa salitang lubos kung nauunawaan at minamahal.

  At kung mayroon mang mga banyagang makakabasa ng blog ko na hindi makakaunawa ng salitang gamit ko, subukan na nilang bumili ng diksyonaryong pilipino at subukang isalin ng mga salitang ito sa wikang nakasanayan ko. Subukan nilang akapin at mahalin ang wikang minamahal ko.

  At para naman sa mga Pilipinong katulad ko pero hindi minamahal ang sariling wika, (hindi ko man gustong sabihin,) mas mabuti pa ang mga dayuhan, mas higit nilang minamahal ang wika mo kaysa sa sarili mo. Dahil ang wika mo ay parte ng sarili mo at ang pagkalimot sa sariling wika ay pagkalimot sa iyong pagkatao!

Si Tetris at ang Tetris

  Last December 26, 2011, Muli kong nakausap ang long time friend ko na si Tetris sa pamamagitan ng social networking site na Facebook chat. Walang kamustahan na naganap kundi isang paghamon sa isang battle na tinatawag na Tetris Battle. Ang Tetris Battle ay isang game sa Facebook na kinakahumalingan ng mga Facebook-adik sa ngayon.

  Malugod kong tinanggap ang kanyang paghamon. Sa una ay nabiro ko pa sya na: "Talo ako sa iyo! Hold mo na yung title nun eh!" pero hindi ko alam na ang pagbibirong iyon ang magdudulot ng pagbaba ng rankings ko sa naturang laro (Insert a BELAT audio here).

  Puwera biro, akyat baba ang rankings ko habang naglalaro kami. Mananalo sya, matatalo ako, matatalo sya, mananalo ako. At sa huli, sya rin ang nakaipon ng maraming stars at tumaas ang ranggo.

  Pero kahit na ako ang nawalan, pakiramadam ko sobrang waging-wagi ako at lubos lubos naman akong natuwa dahil makalipas ang ilang taon, muli kaming nagka-usap. Kahit sa maikling oras lang (na hindi man lang nagkamustahan) ay naramdaman kong bou parin ang matagal nang samahan naming magkaibigan.

  Sorang tuwa ko talaga nang gabing iyon. Wala sa pagkatalo o pagkapanalo ang naging takbo ng isip ko ng mga oras na nagaganap ang laban sa pagitan naming dalawa, (Para sa akin,) ang larong iyon ay nagmistulang isang munting bonding narin ng dalawang magkaibigang matagal nang hindi nagkikita.

  At higit pa akong natuwa (na syang naging dahilan ng pagka-puyat ko dahil palong-palo ako sa kasiyahan) nang muli kong nabasa ang tawagan namin noong nasa high school pa kami: PRE!

Thursday, December 22, 2011

Si Principal, Si Silas Marner at ang Groiler

  Habang tumitingin ako sa reference section ng paborito kong bookstore, naalala ko ang principal ng paaralang pinasukan ko noong high school.

  Noon, madalas na gumuguhit, nagpipinta at gumagawa ng kung ano-anong artworks ang lolo ko bilang bonding naming dalawa. Pero hindi sya madalas na magkwento ng mga bagay-bagay bilang parte ng bonding namin. Kaya naman ng minsang nagkaroon ng pagkakataon na maging isang taga-pakinig sa aming principal, hindi bilang isang guro sa kanyang estudyante kundi bilang isang nakatatandang nagbabahagi ng kaalaman sa mga nakakabatang kailangan ng liwanag sa kanilang daan, sinamantala ko na ang pagkakataon at kinapalan ang mukha upang marinig muli ang kwentong hanggang sa mga oras na ito ay nagsisilbing inspirasyon ko sa buhay.

  Ang araw na yon ay ang araw din na magkakaalaman na kung sino talaga ang nakakaalam ng Disederata(resitation mode dapat ng araw na yon, laking gulat namin na biglang naging written exam nalang.) Matapos ang madibdibang exam, nagumpisa syang magkwento ng mga nasasaisip nya. Nauwi iyon sa isang magandang kwento. Dahil hindi mala-gold fish ang memory ko, nakalimutan ko agad kung sino ang bidang karakter sa kwento. Pagdating ng uwian, (kahit kinakabahan,) naglakas-loob kami ng kaibigan ko na itanong ang tungkol sa kwento at kung saan ito maaaring mahanap. At muli, nagsimula siyang magkwento. . .

acknowledgment to the owners of this pictures

   Isinalaysay niya: Si Silas Marner ay isang manghahabi na nagmamay-ari ng mga ginto na sya namang ninakaw mula sa kanyang tahanan. At ang pagkawala ng mga ginto ang naging dahilan ng kanyang pagkasawi. Hanggang sa isang araw ay may isang paslit na may ginintuang buhok ang kanyang nakita sa pintuan ng kanyang tahanan. Nawala man ang mga gintong sa kanya ay inumit, napalitan naman ito ng walang kapantay at tunay na kaligayahan na dulot ng pagdating batang may ginintuang buhok sa kanyang buhay.
(Isinulat ko lang kung ano ang natatandaan ko.)

   Sinabi din niyang mahahanap ang kwentong iyon sa Groiler Encyclopedia. 

  Matapos naming marinig ang kwento ay agad kaming pumunta sa library para hanapin ang kwentong nasabi. pero maliit na paliwanag lamang ang nakasaad sa nasabing libro. Sa madaling sabi, nabitin kami.

   At ngayon nga, muli, naalala ko ang aming principal, ang kanyang magandang kwento, at ang nakakabiting description sa Groiler at kung paano nabago ng kwentong iyon ang pananaw ko sa buhay.

Wednesday, December 21, 2011

Wag ipagkait ang salitang "Mahal kita"

  Wala nang iba pang salita ang magpapangiti sa isang tao kundi ang mga salitang "Mahal kita!" Karamihan ng sa atin sinasabi lamang ang salitang ito kapag may espasyal na okasyon, kapag naglalambing o kapag may kailangan lang hingiin (lalo na sa mga anak na nakakalimot sa kung ano ba talaga ang dapat na paggamitan ng salitang ito).

  Bakit hindi subukang sabihin ang salitang ito:

  • Sa pagkagising sa umaga at bago matulog sa gabi. Batiin ang mga magulang ng buong lambing at samahan ng mahigpit na yakap.
  • Habang nakikipag-usap o nakikipag-laro sa mga kapatid. 
  • Kapag aalis ng bahay o kung may isa sa mga kasama sa bahay na aalis sa araw na iyon.
  • Sabihin ito sa mga kaibigan. Marahil ay maninibago sila pero paniguradong mabibigayn mo sila ng walang kapantay na ngiti sa kanilang mga mukha.
  • Sa iyong kasintahan. Mas madaling sabihin ito sa taong ating lubos na pinagpapahalagahan. Ito rin ang pinaka-simple ngunit pinaka-epektibong paraan upang mapag-tibay ang isang samahan.
  • Sa iyong lolo at lola. Sila ang madalas na kasama natin noong tayo ay mga bata pa. Paniguradong mas madalas natin itong nasasabi sa kanila noon.

  Bitter ka rin ba tulad ng iba? Walang dahilan para ipagkait ang ang salitang ito sa mga taong ating pinahahalagahan. Sabi nga nila, walang mawawala kung hindi susubukan.