Naalala ko, first year high school kami noon nang pabiro kong sabihin na "Gusto kong maging writer!" sa usapan namin ng mga kaeskwela ko at sa aming guro na si Bb. Ana. Pabiro lang iyon, wala sa isip ko talaga ang maging isang manunulat. Dala lamang ng pagiging mapag-biro at pag-paparinig sa isa naming kaeskwela na kasalukayang inaalayan ng dasal habang sinasapian ng kung ano mang ispirito.
Hindi ko alam kong nananadya ang pagkakataon, pero, simula ng banggitin ko iyon ay nagsimula na rin akong magsulat ng mga kwento sa likuran ng mga notebook ko.
Nagsimula ako sa mga horror stories. Tatlong tao lang ang naging taga-basa ko, mga masugid na taga-basa. Si Mhyco, Ella, at Clarissa. Inaabangan nila araw-araw ang mga sinusulat ko. Minsan wala raw dating. Minsan naman, sakto lang. At minsan, tsambang nakukuha ko na ring mapatayo ang mga balahibo nila sa kilabot.
Pero hindi rin nagtagal, nawalan ako ng ganang magsulat.
Nang maging 3rd year high school na kami, tinawag muli ako ng pagkakataon para magsulat. Sa pagkakataong ito, iba na ang taga-subaybay ko, at iba na rin ang tema ng isinusulat ko.
Love stories. Nagsimula ako na magsulat ng mga love stories ng makabasa ako ng mga pocket book na ipinapahiram ng mga kaibigan ko sa akin. (Palibhasa kasi'y puro detective novels lang ang meron meron sa bahay.) Syempre, nakaka-inspire ang mga ganoong babasahin, kaya nainspire din ako na magsulat. Nagustuhan din naman ng mga kaibigan ko.
Hanggang ngayon ay nagsusulat pa rin ako ng mga mala-novelang kwento. Sa pagkakataong ito, hindi lang horror at love stories, lahat na ata ng klase ng kwento naisusulat ko na. Kaso naging ritwal ko na ata na simulan ang mga kwento ko sa likod ng notebook ko. Pabaliktad ko syang isinusulat--mula sa likod ng pahina hanggang sa marating ko ang harap ng notebook. Pero sa pagkakataon ding ito, wala na akong mambabasa, bihira ko na kasing ipabasa ang mga sinusulat ko sa mga bago kong kaibigan.
Kaya ang gusto ko ngayon ay hindi lang ang pagiging writer, gusto ko na rin na magkaroon ako ng maraming mga mambabasa.
Kahit pabiro lang ang pagkakabanggit ko, sa mga oras na ito, gusto ko na talagang maging writer!