May isa akong kaibigang nakadiskubre ng blogsite na ito na nagkataong pag-aari ng (ehem!) yours truly. Sa una natutuwa akong naa-appreciate nya ang sinusulat ko dito at nakaka-relate din sya sa mga topics ko. Pero hindi ko nagustuhan ang mga sumunod niyang nasabi. Na hindi daw maganda na nakasulat ang blog ko sa salitang filipino o tagalog. Hindi daw ito maiintindihan ng ibang mambabasa ang mga sinusulat ko lalo na kung ang makahanap ng blog ko ay mula sa ibang bansa na hindi nakaka-unawa ng salitang tagalog o filipino.
Hindi ko alam kung bakit pero sadyang uminit ang ulo ko at nasabi ko sa kanya na "Eh ano kung hindi ingles!?"
Nauunawaan ko kung bakit nya nasabi iyon. Tama sya, maganda kung nakasulat sa salitang ingles ang mga sinusulat ko dahil mas mauunawaan iyon ng nga mambabasa kahit na sila pa ay mga Pilipino. Kapag nakasaad sa ingles, mas marami ang magiging followers ko at magiging kilala ang blogsite ko.
Pero nasubukan ba nyang unawain ang gusto kong iparating sa mga makababasa ng blog ko bukod sa mga topics na isinusulat ko?
Oo nga't gumagamit din ako ng mga ingles na salita sa blog ko sa mga pagkakataong hindi ko alam kung paano ito isasalin sa salitang tagalog. Pero karamihan ng mga saltiang ginagamit ko ay tagalog o filipino. Ang gustong kong iparating ay ang paggamit ng salitang filipino kahit na saan mo pa ito balak isulat (kagaya ng blog ko). Hindi dahil sa hindi ko kayang isulat ng buo sa ingles ang mga nasasa-isip ko, kundi, gusto kong mabasa ng iba ang nasasa-isip sa salitang lubos kung nauunawaan at minamahal.
At kung mayroon mang mga banyagang makakabasa ng blog ko na hindi makakaunawa ng salitang gamit ko, subukan na nilang bumili ng diksyonaryong pilipino at subukang isalin ng mga salitang ito sa wikang nakasanayan ko. Subukan nilang akapin at mahalin ang wikang minamahal ko.
At para naman sa mga Pilipinong katulad ko pero hindi minamahal ang sariling wika, (hindi ko man gustong sabihin,) mas mabuti pa ang mga dayuhan, mas higit nilang minamahal ang wika mo kaysa sa sarili mo. Dahil ang wika mo ay parte ng sarili mo at ang pagkalimot sa sariling wika ay pagkalimot sa iyong pagkatao!
No comments:
Post a Comment